Maaga na ang pasok ko ngayon. Mamayang hapon, magmumukha na akong pagod, ngunit hindi sana ito maging hadlang. Maging maganda sana ang mangyayari mamaya.
About
- Maria
- Soft spoken & shy. Always mistaken for a teen. Used to smile a lot. A left-handed but drawing is not her forte. Likes to write her thoughts and read others'. Likes music to which she can sing along. Likes traveling and adventures. Loves the heat of the sun at the beach and the falling rain when at home. Gotta love the drama. A frustrated photographer, chef & singer.
Thursday, May 10, 2012
A new beginning perhaps?
Mamayang ala-sais ng hapon ay mayroon akong job interview, dito lang rin malapit sa pinagta-trabahuhan ko. May halong kaba at pagka-tuwa ang nararamdaman ko ngayon. Kaba, dahil sa mahigit apat na taon, ngayon lang ulit ako ma-i-interview para sa trabaho (unang trabaho ko kasi itong kasalukuyan kong kumpanya). Tuwa, dahil ibig kong masubukan ang aking kakayanan, kung may ipinagbago na ba ako buhat nang nagsimula akong magtrabaho hanggang sa ngayon.
Friday, May 4, 2012
Personal blogs
Na-miss ko na magbasa sa Peyups.com. Dati-rati'y iyon lang ang madalas kong pinupuntahan para magbasa ng mga artikulo tungkol sa buhay-buhay at lalo na tungkol sa buhay pag-ibig. Wala na akong alam masyadong blogs na nagku-kwento tungkol sa karaniwang (madramang/komediang) buhay nila, bukod sa mga travel blogs, food blogs at beauty blogs.
Hinahanap-hanap kita
May mga araw lang talaga na minsan, feel mong mag-emote. Parang ngayon... Ilang araw na rin akong ganito. Mukhang malalim ang iniisip, malungkot at wala sa sarili. Mapapansin at mapapansin rin talaga ng ibang tao kapag may nagbabago sayo lalo na't lagi ka nilang nakikitang naka-ngiti. Hindi ko mapigilan ang pagkakaroon ng isang diretsong, N/A na mukha. Siguro dahil malapit nang maging bilog ang buwan(?).
+++
Kakagaling ko lang sa isang out of town trip kasama ang matalik kong kaibigan na si Ria at ang kanyang boyfriend na si Ted. Isang panibagong karanasan ang pagbabyahe ng mahigit kumulang sampung oras sa bus at dagdagan pa ng dalawang oras na byahe sa bangka. Sulit naman sa tagal ang byahe dahil isang malawak na isla na may kumikinang na tubig dagat at pinong-pinong puting buhangin (hindi kasing puti ng sa Boracay, pero puti pa rin) ang agad babati sayo. Ang isla ng Calaguas na matatagpuan sa Camarines Norte ang isa sa matagal ko nang gustong puntahan, at ito nga, narating ko na rin matapos ang pabigla-biglang pagpaplano.
Wala kaming ginawa kundi humilata sa buhanginan na sinisilungan ng puno. Kapag handa na ang pagkain, tatayo at pipila at pupunuin ang hawak na plato, sabay balik sa aming puwesto. Kapag busog na, hihilata namang muli. Magpalamig sa dagat kapag hindi makakuha ng tulog sa paghilata at di na makayanan ang init ng araw. Picture dito, picture doon.
Ang pagtulog sa tent na walang sleeping bag at unan ang activity namin kinagabihan matapos ang paglagok ng tatlong baso ng cocktails na puno ng yelo. Madalang ang hangin na pumapasok sa aming tent, dahil hindi sia naka-pwesto kung saan may dumadaloy na hangin. Nakatulog pa rin naman ako dahil sa pagod na rin siguro. Sila, hindi masyado.
Kinabukas nagtungo naman kami sa Bagasbas para mag-surfing. Pangatlong beses ko na ito at hinahanap-hanap ko pa rin hanggang ngayon. Kung pwede lang doon manatili nang matagal, wala siguro ako ngayon dito't nagkukwento.
Gusto kong bumalik sa tabing-dagat, umupo sa buhanginan, pagmasdan at pakinggan lang ang mga alon habang umiihip ang hangin.
Calaguas Island
Bagasbas Beach
Thursday, May 3, 2012
Isa pang subok
Sa loob ng halos dalawang taong pagkakawala, susubukan ko ulit bumalik. Matagal na panahon na rin pala ng huli akong magsulat. Sinubukan ko naman noon, nang mauso ang mga social networking sites katulad ng Facebook, Tumblr, Twitter at ang pinaka-patok ngayong Instagram (na lahat ng yan ay meron ako), ginawa kong blog ang aking Tumblr account. Ngunit subalit datapwat, nawalan na rin ako ng interes magkwento o magbahagi ng mga salita. Halos panay maiiksing deskripsyon lamang na may kaakibat na larawan ng kung ano anong lang, kadalasan pagkain, ang naging laman ng blog na iyon.
Sa loob ng halos dalawang taong pagkakawala, maraming nangyari sa aking buhay. Marami akong nalibot na lugar na dati'y pinapangarap ko lang na mapuntahan. Natuwa nga ako nang muli kong buksan ang blog na ito, nakalagay pa ang mga larawan ng mga lugar na pinaka-naisin kong puntahan noon katulad ng Ilocos (ang Maira-Ira Point at Bangui Windmills), Palawan (El Nido at Coron), Batanes at iba pa, na ngayon ay narating ko na bukod na lamang sa Batanes at El Nido na hindi ko pa nararating. Syempre, nadagdagan pa ang mga lugar na gusto ko pang puntahan at iyon ay unti-unti ko rin naman naisasakatuparan.
Sa loob ng halos dalawang taon, marami akong natutunan. Ngayon, marunong na akong magpalutang-lutang sa dagat kahit malalim at walang tagapag-salbang jacket at dahil yan sa pagtalon ko sa bangin o ang tinatawag nilang "cliff diving" kasama ang aking ka-opisina/ka-apartment/kaibigan na si Cleah, isang araw ng kami ay nagpunta sa Boracay. Marunong na rin akong sumakay sa alon gamit ang surfboard at nakarami na rin ako ng pasa sa binti at hita dahil diyan. Nasubukan ko na rin ang pagsakay sa skimboard na nagdulot ng peklat sa aking tuhod pero ayos lang, fulfilling naman ang naging pakiramdam ko. Marami pa akong klase ng board na gustong matutunang sakyan kabilang na ang skateboard at sandboard. Medyo nahihilig ako ngayon sa iba't ibang klase ng board eh.
Nadagdagan na rin ang mga putahe na aking niluluto ngunit hindi pa rin natutupad ang pangarap ko na pumasok sa isang Culinary School. Ngayon ay nagpapaka-fit na rin ako. Nagjo-jogging ng isang oras kada-Miyerkules ng gabi na dati'y hindi ko man lamang maisip na gagawin dahil ang pag takbo ang pinaka-iiwasan ko sa P.E. namin noong nag-aaral pa ako. Mahina kasi ako sa takbuhan noon pero parang tumitibay na ang mga tuhod ko ngayon.
Naging interesado ako sa napakaraming bagay. Basta't tunog masaya at mukhang panibagong adventure ay sinusubukan kong gawin. Naging masaya naman ako sa lahat ng ito ngunit hindi pa rin ako naging kuntento. Mayroon pa rin akong hinahanap na kulang sa aking buhay at iyon ay patuloy kong tutuklasin sa pagdaan ng oras.
Subscribe to:
Posts (Atom)