About

My photo
Soft spoken & shy. Always mistaken for a teen. Used to smile a lot. A left-handed but drawing is not her forte. Likes to write her thoughts and read others'. Likes music to which she can sing along. Likes traveling and adventures. Loves the heat of the sun at the beach and the falling rain when at home. Gotta love the drama. A frustrated photographer, chef & singer.

Thursday, November 8, 2007

Tapos na ang sembreak

Kakasimula lang ng klase. Panibagong mga asignatura at guro, ay hindi pala - mayroon na rin pamilyar na itsura sa aking mga mata. May bago na naman akong matututunan at bago na namang karanasan. Ito na ang huling semester ko at aakyat na ako "sana" sa Marso. Haharap na ako sa panibagong yugto ng aking buhay. Mas seryoso kaysa sa pag-aaral. Magugustuhan ko kaya ito? Nakakakaba...

Thursday, September 6, 2007

Ng dahil sa SAD

Ang "mini" thesis dapat namin sa SAD ang inaatupag ko ngayon, pero heto ako't inaatupag ang ibang bagay. Ang daming kailangan gawin ngunit parang palaging kapos sa oras. Ang daming kailangang isipin ngunit kulang ang espasyo ng aking isipan upang isipin ang lahat ng ito. Hindi ko alam kung malulungkot ako, o matutuwa sa mga nangyayari sa aking paligid. Ano bang tawag sa ganitong pakiramdam? Matamlay? Nanghihina? Pagod? Marahil lahat ng ito ay isa-isa kong nararamdaman. Minsan gusto ko na lang manatiling nakahiga sa kama, nakamulat ang mata at walang iniisip kundi ang kawalan. Pagod na ang aking isipan. Pagod na ako sa maraming bagay na gumugulo sa tahimik kong buhay.

Gusto kong magpakalayo, gusto kong lumayo, malayo sa lahat ng nakakapagbigay sa akin ng dahilan para mag-isip. Gusto kong maging mapayapa muna ang aking isipan kahit sa panandalian lamang. Gusto kong pumunta kung saan, maaanod lahat ng kaguluhang dumadaloy sa aking isip. Sobrang dami ang nais kong gawin ngayon ngunit wala na yata akong makitang panahon para maisingit pa ang mga ito. Nakakalungkot.

Ayokong maging malungkot. Ayoko ng ganitong pakiramdam. Ayoko ng mag-isip. Nais ko na lamang itong huminto kahit saglit.

Friday, August 10, 2007

Batung-bato ka na ba?

Kakatapos ko lang basahin ang libro ni Bob Ong na pinamagatang MACARTHUR. Pang karaniwan lang ang setting ng kwento at marahil di na rin iba sa mga istoryang nabasa.

Ito'y kwento ng apat na magkakaibigan lalaki na ang gawain kapag nagsasama-sama ay gumagamit ng shabu hanggang sa tumirik ang kanilang mga mata.
Naging dibersyon nila ito upang makalimot sa kanilang mga problema.

Hindi lahat sa kanila ay pinalad na magkaroon ng magandang buhay. At hindi lahat ay namuhay ng masaya. Marami silang mga pagsubok na pinagdaanan katulad na lang ng pinagdaraanan ng isang normal na taong namumuhay sa mundo. At katulad ng isang normal na tao, hindi man lahat, ay natuto pa rin bumangon sa pagkakadapa.

Saturday, July 28, 2007

Ulan, nasaan ka?

Kay tagal kong hinintay na umulan ngunit parang ayaw ata sa akin magpakita nito. Hindi ko siya matyempuhan. Laging umiiwas sa aking landas. Siguro mas magandang huwag na lang siyang hanapin para kusang lumabas. Ganoon talaga ata, kapag hinahanap mo hindi magpapakita ngunit kapag wala na lang sayo, saka naman magpapapansin.

Ulan, ulan, gusto ko lang umulan.

Monday, July 2, 2007

Paglisan

Noong nakaraang Sabado, nagpunta ako ng Bulacan - sa mga pinsan ko. Despedida kasi ng pinsan kong si ate Angel dahil aalis na siya sa Biyernes patungong Switzerland. Hindi naman siya mawawala ng matagal, pero kung papalarin at makahanap doon ng trabaho ay mukhang matatagal ang kanyang pagbabalik.

Nakakalungkot dahil pakonti na kami ng pakonti. Sa mga hindi nakakaalam, sobrang lapit naming magpipinsan sa isa't isa kaya sa tuwing may aalis, lubos kaming nalulungkot. Ngunit sabi nga ni kuya Ace, isa pang pinsan na umalis na rin ng bansa, ibig sabihin lang noon ay lumalago na kami at para naman sa ikabubuti ng isa't isa iyon. Sabagay nga, kailangan rin namin ito para sa magandang hinaharap.

Hindi na pala kami mga bata katulad noon. :c

Friday, June 29, 2007

Jeepney ride

Nakakamiss sumakay ng jeep. Simula kasi ng matuto akong magmaneho, dala ko na parati ang sasakyan papuntang eskwelahan. Dati kapag color coding ang sasakyan, iniiwan ko talaga kahit wala naman manghuhuli kasi sa Cavite lang naman ako at iyon ang panahon na nakakasakay ako ng jeep.

Masaya sumakay sa jeep kahit minsan nahihiya akong magbayad o umabot ng bayad. Hindi ko kasi gustong umiimik kapag mag-isa lang ako kaya nga madalas ay nasa likod ako ng drayber para di na kailangan magtaas ng boses sa tuwing magbabayad.

Maraming nakikita sa kapag nasa jeep ka, mga tanawin nakikita sa bintana, pero mas marami pa rin makikita sa loob lalo na kapag punuan. At maraming maririnig na usapan (tsismis). At kaya lalo kong naalala ang mga panahon na namamasahe pa ako dahil sa babaeng pumasok sa klase namin kanina. Magiging kaklase namin siya sa klase na iyon. Parang pamilyar ang mukha niya at ng nakita kong mabuti, isa pala siya sa nakasabay ko noon sa jeep na medyo may pagkadaldal. Wala atang pakialam kung anong maririnig ng tao sa mga kinukwento niya, kaya ayon, tumatak sa akin ang kanyang itsura. Nakakatuwa lang dahil sa dami daming di kilalang mga kasabayan sa jeep, magiging kaklase ko pa pala ang isa.

Monday, May 21, 2007

Life's a beach, indeed beautiful

Noong nakaraang sabado at linggo ay kasama ko ang aking dalawang pinakamatalik na kaibigan, si Ria at Aika, si Idda ang kapatid ni Aika, si Kiko ni Ria at si Arjay sa Nasugbu, Batangas. Kami ay tumuloy sa Munting Buhangin Beach camp at doon nag-overnight.

Matagal na naming pinaplano ang outing na ito at salamat naman kami'y natuloy bago pa man maging abala ulit ang lahat. Nawawalan na nga ako ng pag-asa na matutuloy pa ito sa una dahil ang daming kailangan isipin, medyo magulo. Nawawalan na rin ako ng pag-asa na makalalanghap ako ng hanging nagmumula sa karagatan. Mabuti na lamang at nagawan ito ng paaraan.

Masaya kahit pagod at sakit ng katawan ang aking naramdaman kaninang pag gising ko. Siguro dahil na rin ito sa pagsakay namin ng banana boat. Siyempre makasama mo ba naman ang mahahalagang tao sa iyong buhay, sino ba naman ang hindi masisiyahan.

Masaya, masarap, nakakawili at kung ano-ano pang damdaming katulad ng mga salitang nabanggit ang aking naramdaman sa karanasang ito. Isang karanasang di malilimutan. Laking pasasalamat sa Diyos na may mga kaibigan akong katulad nila at isang taong lubos na nagmamahal sa akin. C:

"The best thing about this beach trip is that I am with my two best friends forever, not to mention by best-est friend who happens to be my sister. 4 crazy girls and the best summer destination, where can you go wrong" - Aika Francesca M. Rodriquez

Thursday, April 19, 2007

Out Cold

Ayan! nandito na ako sa isteyts. Magsasampung araw na rin ako dito at magsasampung araw na rin akong nilalamig. Sobrang lamig dito, nakakamatay! Eh wala pa naman akong baong panlamig, puro maninipis lang na damit kaya naman nangangatog ako sa lamig hindi pa naman uso ang heater sa loob ng mga bahay dito kaya kahit nasa loob ka na ay malamig pa rin. Pero habang tumatagal nasasanay na rin ata ang katawan ko.

Nandito ako ngayon sa Daly City, California at nakikitira sa mga tita ko. Ngayon lang ako natigil sa bahay dahil araw-araw kaming umaalis simula ng dumating kami ng bansa. Ano pa nga bang masasabi ko bukod sa lamig? Hmmm wala pa akong maisip, sa susunod na lang ako mag-uupdate. Pero baka matagalan na naman...

Thursday, April 5, 2007

Maundy Thursday

Three days to go before Easter Sunday and another two days more before I go to the US for a three week vacation. I am excited but I will surely miss someone while I am away. And aside from missing this person, I will really miss the Boracay trip planned with my cousins. I had to go for the States because it was planned way before Boracay. I have to convience myself that there will always be a time for everything. And maybe this isn't my time for Bora. I just really wanted to go there but I couldn't. But going to the US is also what I want for the summer vacation. I am just upset that I couldn't go to both places. Sigh.

I haven't gone to the beach yet and I am craving for it so I could really feel it's summertime!

Friday, March 30, 2007

Memory full

Blanko ang utak ko. Ilang araw na rin akong ganito. Siguro dahil na rin gusto kong makalimot at ayaw ng maisip pa ang kasalukuyang nangyayari. Ngunit unti-unti na naman nagsisimula sa pag-iisip. Nakadarama ng lungkot at sobrang pagkababa sa sarili.

Kailangan kong makalimot. Kung pwede lang maging blanko na lang ang utak ko hanggang sa mabalik sa ayos ang lahat.

Thursday, March 29, 2007

Truth hurts

At sa hindi inaasahang pagkakataon, ako ay nakasakit ng damdamin. Hindi ko man lang inisip ang magiging bunga ng aking nagawa. Nagpakasaya lamang ba ako? dahil gusto kong mapunan ang lungkot na aking nadarama habang kami'y hindi magkasama.

Naging isang masamang tao na nga siguro ako ng hindi ko namamalayan. Hindi ko inisip na may masasaktan ako. Inisip ko pala, inisip ko lang...

Habang patuloy siyang nagbubuhos ng sama ng loob, parang sinasaksak ang aking puso habang ako'y nakikinig. Masakit dahil totoo.

Saturday, March 10, 2007

Moments

Kahapon ang huling araw ng klase namin. Itong darating na linggo, exams na at pagkatapos noon ay bakasyon na. Nakakalungkot isipin na maghihiwa-hiwalay na kami ng mga kaklase ko. Masasabi kong naging mahahalagang parte na rin ang aking mga kaklase sa buhay ko lalo na't sila yung madalas kong nakakasama. Nakakalungkot lang dahil hindi naman lahat papasok pa sa susunod na semester. May ibang lilipat ng kurso, may ibang hihinto. Nakakahinayang lang na kung kailan patapos na ang semester, ngayon pa lang lalong lumalalim yung pinagsamahan namin.

Masaya ako at nakilala ko sila. At sana nga kahit hindi ko na makita ang iba sa kanila sa pasukan, tuloy tuloy pa rin ang komunikasyon naming magkakaklase, naming magkakaibigan.

Mag-iisang buwan na naman bago ako nakasulat muli dito sa blog. Sa isang buwan na yun, maraming nangyari. Masaya, malungkot, mabuti at hindi mabuti. Kung pwede lang huwag nang maisip ang mga malungkot at hindi mabuti pangyayari...

Wednesday, February 14, 2007

Araw ni Kupido

Nakikinig ako ngayon sa LS FM live sa UP Sunken Garden para sa fair. Isang taon na ang nakalipas, kasama ako ng mga napapakinggan ko ngayon sa radyo. Nasa fair ako noon kasama si Arjay. Ang dalawang gabi na nasa UP kami at magkasama sa unang pagkakataon sa araw ng mga puso ay isang pangyayaring di ko malilimutan. Isang masayang alaala.

Ngayon, heto ako sa aking kwarto, namumugto ang mga mata. Maraming iniisip, problemado at hindi mapakali. Nahihirapan, gulong-gulo. Sana naging katulad na lang noong nakaraang taon ang araw na ito. Masaya. 'Di tulad ngayon...

Maligayang araw ng mga puso sa lahat...

Tuesday, January 16, 2007

Isang hapon ng kalungkutan

"Maliit na dragon... Wag ng malungkot huh..."

Isunulat ng aking kaibigan sa aking palad habang nasa klase. Magaling raw siyang gumuhit ng dragon at ng aking makita, magaling nga, magaling magsulat sa palad. Isang bagay na nakapagbigay ng ngiti sa aking malungkot na hapon. Hanggang sa makauwi ako, ito ang aking tinititigan. Napapangiti pa rin kahit dumadapo ang kalungkutan sa aking isipan.

Ang kalungkutan ay dulot ng isang kaibigan. Isang kaibigang naging parte ng buhay at unti-unti na lang mapapansin na siya'y unti-unti nang lumalayo. Alam kong magiging masaya siya sa tinatahak niyang landas at dapat lang maging masaya, ngunit bakas pa rin sa kanyang mga mata ang kalungkutan. Kalungkutan na akin rin nadarama.

"Nasan ka man ngayon, ano mang oras na ika’y may kailangan, tawag ka lang sa akin at parang nandito ka na rin"