About

My photo
Soft spoken & shy. Always mistaken for a teen. Used to smile a lot. A left-handed but drawing is not her forte. Likes to write her thoughts and read others'. Likes music to which she can sing along. Likes traveling and adventures. Loves the heat of the sun at the beach and the falling rain when at home. Gotta love the drama. A frustrated photographer, chef & singer.

Saturday, July 1, 2006

Back to school

Mag-iisang buwan simula ng bumalik ako sa pag-aaral. Mag-iisang buwan na rin na nararanasan ko na ang sinasabi nilang "college life" dito sa Pilipinas. Sa ngayon, maganda pa naman ang takbo ng "college life" ko. Masaya, dahil sa may mga nakilala na akong bagong mga kaibigan. Nakikiramdam pa ako sa mga nangyayari sa aking paligid. Unti-unti pa lamang akong tumutuklas.

Sa kurso ko ngayon, dalawa lang kaming babae. Sampu ang ka-block ko at maraming irregular kaya paminsan-minsan ay nadadagdagan kami. Dahil sa kaka-unti naming bilang, inihalo kami sa REED141 (religion), NSTP at PHED. Buti nga at nadagdagan pa kami dahil nung araw ng orientation, ang nakalagay lang sa listahan ay apat. Binalak ko pa ngang magshift na lang sa Computer Technology dahil baka madissolve lang ang course ko. Ngunit mabuti naman at naging labing-isa na kami.

Sa major subject naming Cisco networking, may mga kasama kaming second year na inulit ang subject na ito. Ang kwento pa nga nila, dati ay umaabot na sila ng tatlumpu sa klase ngunit pagkatapos ng dalawang sem, labing-dalawa na lang sila. Mahirap raw kasing pumasa sa kurso na ito.

Sabi ko nga sa kaklase kong babae, dapat lahat kami pumasa ngayong sem dahil kung hindi baka tuluyan ng madissolve ang kurso namin kung wala rin naman matitirang kukuha nito. Medyo may pagka-kulit pa naman ang mga kaklase naming lalaki. Pero sana makaya ng lahat.

Nagsasaya pa ako ngayon sa aking pag-aaral. Siguro dahil na rin sa bagong experience at maraming mga bagong mukha ang nakikita at nakikilala. Masayang magkaroon ng mga bagong kaibigan at makukulit na kaklase't makukulit na guro. Tignan ko na lang kung hanggang saan yung sayang idudulot nito.

Saturday, June 10, 2006

Blurred

Kung bakit ba naman maayos na ang lagay ng aming buhay, bigla na lamang may darating na panibagong pagsubok. Kung kailan nagiging matatag na ang pagsasama't pag-iibigan, may bumibida. Hindi ko alam kung tama pa ba ang aking ginagawa, hindi ko na alam kung ano bang ginagawa ko.

Ako'y naguguluhan at hindi malaman ang tamang kasagutan.

Pero teka, alam ko kung anong dapat kong gawin dahil iyon ang tama, iyon ang nararapat. At iyon nga ang aking ginawa. Ngunit bakit tila lito pa rin, malabo ang isip.

Isa nga itong pagsubok na kailangan malagpasan. Kakayanin ko 'to! Kapit lang ng maigi. Lord, tulungan niyo po ako...

Friday, June 9, 2006

Nakakabaliw

Hindi ko alam kung bakit hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. O pilit ko lang kayang hindi iniintindi dahil sa inaakala kong mas makakabuti ito? O sadyang hindi ko lang talaga maintindihan?

Paano ba malalaman kung ano ang tunay na nadarama kung mismong ikaw sa sarili mo ay hindi malaman...

Saturday, May 27, 2006

Syet, nineteen na ako!

Sa isang buwan kong hindi pagbo-blog marami ang mga nangyari. Isa na doon ay natuto akong magmaneho ng sasakyan sa pamamagitan ng pagtuturo sa akin ng aking tita. Dapat nga ay sa isang driving school ako mag-aaral ngunit ng sinabi ko sa tita ko na ang babayaran sa school ay higit pa sa sampung libo, nag-alok siyang turuan na lang ako at itabi na lang ang pera na dapat ay ibabayad doon. Pumayag naman ang mga magulang ko at tinuruan kaagad ako ng aking tita matapos ang pag-uusap na iyon. Ang Starex namin na automatic ang pinag-aralan kong i-maneho. Madali naman siya dahil automatic nga at sabi ng tita ko, madali lang din daw akong turuan. Limang minuto pa lang ata nung tinuturo niya sa akin kung anu-ano ang silbe ng mga nakikita sa sasakyan ay nagpalit na kami ng puwesto’t ako na ang pinagmaneho.

Kinabukasan ay pumunta na kami sa LTO Tagaytay para kumuha ng student’s license. Masarap pala talaga magdrive. Ingat nga lang kapag nasa malalaking kalsada na’t maraming mga sasakykan. Dalawang beses pa lang akong nakapagmaneho sa highway. Una, papunta at pauwi ng SM Dasmarinas mga labing-limang minuto ang layo sa amin. Ang sumunod naman ay nung nanggaling kami ng Bulacan, ako na ang pinagmaneho mula Southwoods hanggang sa amin. Sa ngayon hindi na muna ako nagmamaneho, hintayin ko na lang daw ang pagdating ng mga magulang ko para ang daddy ko na ang kasama.

Bukod sa natuto na akong magmaneho, kinabitan na ng braces ang ngipin ko. Hindi naman talaga kailangan kabitan ng braces pero ginusto ko na rin para mas maging pantay ang mga ngipin. Kung tutuusin wala naman talaga kaming binayaran dahil na-reimburse na ito kaagad. Sa trabaho kasi ng daddy ko’y pwedeng magreimburse ng mga pinapagawa sa ngipin basta’t may OR. Buti na lang at nakahabol pa ako bago sila magretire. Magandang tignan sa ngipin ang braces pero pasakit naman pala ito sa umpisa. Hindi ka makakain ng matino at puro malalambot o sabaw lang ang puwede mong kainin. Masakit kasi at parang nangingilo ang ngipin. Pero sabi naman ni Doc pag nagtagal ay masasanay din daw. Kaya’t hihintayin ko na lang na magtagal. Isang taon ko lang naman susuotin ito at tatanggalin na rin. Madali lang daw kasi sa kaso ko.

Ang hindi magandang pangyayari sa isang buwan na nakalipas ay ang hindi pagpapahintulot sa akin ng mga magulang ko na maghanda kasama ang aking mga pinsan ngayong kaarawan ko. Hintayin ko na lang daw ang pagdating nila, saka kami maghahanda kasama silang lahat. Mayplano na nga akong magpapa-inom sana. Meron na rin menu kung anong ihahanda. Pero dahil sa hindi marunong makisamang kamag-anak, hindi na matutuloy ang mga plano ko. Ako, si Arjay at si ate Mona na helper namin ang magiging kasama ko sa araw ng aking kaarawan. Dapat nga’y nandito rin si Dang subalit kanina lamang ay umalis siya patungong Bulacan at sa Martes pa ang balik… Buti na lang at makakapunta si Arjay kung hindi kaming dalawa lang ni ate Mona ang kakain ng Spaghetti na aking lulutuin.

Mamayang pagsapit ng alas dose ako’y magiging isang ganap ng dalaga. Hehe parang nung mga nakaraan taon hindi rin ganon ang sinasabi ko… Edad lang ang tumatanda at hindi ang mukha. Syet, NINETEEN na ako!!!

Thursday, April 27, 2006

Lesson learned

Isang buwan na lang at ilan pang nalalabing mga araw ay mag di-disenuebe na ako. Habang tumatanda ako, ngayon ko lang talagang masasabi na marunong na akong umintindi sa mga ginusto ng magulang ko para rin sa akin. Kung dati ay ipipilit at ipipilit ko ang gusto ko't titigil na lang kapag nasampal o napalo na ako. Ngunit ngayon naramdaman kong mas mabuti pala na kung hindi rin naman sila papayag sa gusto mo ay huwag na lang ipilit at makinig na lang sa kanilang sasabihin. Hindi rin tamang makipagtalo dahil ikaw rin naman ang magiging talo sa huli dahil kailangan pa rin sundin ang gusto nila kung yun nga ang nararapat.

Kung tutuusin mas mahihirapan silang disiplinahin ako dahil malayo sila sa akin. Telepono at email lang ang paraan namin upang mag-usap. Marami akong pwede gawing kalokohan o mga bagay na hindi sila payag kung gugustuhin ko lang dahil malayo nga sila subalit kung iisipin kong mabuti, mas maganda kung pananatilihin ko ang tiwala nila sa akin kahit na hindi nila nakikita o nalalaman ang lahat ng bagay.

Malapit-lapit na rin ang kanilang pag-uwi. Saktong-sakto sa aking pagpasok sa eskwela. Dito na sila muling maninirahan at magpapahinga.

Wednesday, April 19, 2006

Holy week special

Pinaka unang holy week ko ito simula nung dumating ako sa Pilipinas, dahil dati sa tuwing umuuwi kami ng magulang ko ay tuwing pasko't bagong taon lang pati na rin July dahil summer nun sa Swiss. Ito na rin siguro ang holy week na hindi mo mahahalatang holy week...

Wednesday pa lang nagpunta na ang mga pinsan kong lalaki sa bahay. Thursday na ng sumunod ang mga pinsan kong babae. Sa halos isang linggong itinagal nila dito, isang gabi lang kaming tumigil sa pag-inom, pagsasaya at kung anu-ano pang maaaring gawin. Naisip ko tuloy na di kaya magalit sa amin si Lord at isipin na sa sobra naming pagsasaya ay nakalimutan na namin Siya. Naisip ko na mali na ata ang ginagawa namin. Gusto ko man sabihin sa mga pinsan ko 'tong mga naisip ko kaya lang baka hindi nila ako seryosohin dahil iba-iba ang paniniwala namin. Iba-iba ang pananaw namin kahit nagkakasundo kami at masaya palagi sa tuwing magkakasama. Hindi ko rin alam kung ano ang nasa isipan nila, kung pareho lang ba kaming iniisip ang mga bagay na 'yon o hindi.

Hindi ko na masyadong matandaan kung anong ginagawa namin nung kami'y mga bata pa sa tuwing sasapit ang holy week. Ang alam ko lang ay sa Quezon kami palagi nagbabakasyon. Mga bata pa kami noon at hindi pa marunong magsi-inom. Kasa-kasama pa namin noon ang mga magulang namin. Naaalala kong nagigising na lang kami sa umaga na may nakikitang mga taong nagpipenetensya sabay nilulubog ang kanilang duguang likod sa dagat. Nagsisimba sabay-sabay pagsapit ng Linggo.

Linggo na dapat uuwi ang mga pinsan ko pero hindi natuloy at nagpasya kaming magsimba. Umaga pa nga lang dapat ay nasa simbahan na kami. Kaya lang dahil sa may hang-over pa ang iba kaya tinanghali na ng gising. Hapon na ng kami ay umalis at sa katolikong simbahan tuloy ako sumimba.

Lunes na ng umuwi sila, tahimik na naman sa bahay dahil kami na lang ni Dang ang natira. Habang nagbabalik-tanaw sa mga nangyari noong mga lumipas na araw, nahiya ako sa Kanya sa mga bagay na ginawa na pwede namang itama ngunit di ko itinama. Hindi ko na ata alam kung ano ba ang tunay na kahulugan ng mahal na araw. Nalito na sa lahat ng mga naririnig at napag-uusapan at parang hindi ko na maitayo ang sarili kong opinyon ukol dito. Kailangan ko muling maliwanagan...

Monday, April 10, 2006

Pangarap

Ngayong labing-walong taon na ako, aking napagtanto na marami pa palang mga bagay na ninanais kong gawin. Kung noong kinse pa lamang ako ay napilitan lang akong pumasok sa Ecole de Commerce sa Geneva dahil sa hindi ko pa talaga malaman kung ano ang gusto ko. Hindi ko naman din ninais na pumasok noon sa isang kolehiyo para lang masayang ang apat na taon na wala rin namang mararating at kinakailangan pang mag gugol ng karagdagang apat na taon sa isang unibersidad. Napagpasyahan ko na rin na mag-apprentissage bilang isang “informaticien” ngunit hindi ako nagpursige sa paghahanap ng isang kompanyang handang tumanggap sa akin bilang kanilang apprentiss. Sa mga panahong kinse pa lamang kasi ako ay naisip kong maging isang computer programmer o IT katulad ng aking kapatid.

Subalit makalipas ang tatlong taon at nakapagtapos na rin sa Ecole de Commerce noong Hunyo 2005), ako’y umuwi ng Pilipinas para magbakasyon ng anim na buwan at sa kasalukuyan ay hindi pa rin nakakabalik dahil napagpasyahan ko na dito na lang manatili. Sa aking pananatili, naisip kong pumasok muna sa isang call center company dahil sabi nila malaki ang kikitain lalo na’t marunong akong magsalita ng french. Hindi ko nagawang mag-apply sa mga kompanyang iyon ngunit dahil sa aking mga magulang, naipasok naman nila ako sa isang negosyo na home-based call center. At hanggang ngayon hindi ko pa rin nasisimulan patakbuhin. Parang nawalan ako ng gana dahil pakiramdam ko, hindi talaga pagiging isang call center agent ang nais ko.

Sa katunayan, ako’y muling mag-aaral ngayong Hunyo ng kursong Networking Technology at mukhang matutupad na rin ang dati kong pinangarap na maging isang computer programmer o IT. Ngunit bakit kahit ganoon nga ang mangyayari, pakiramdam ko’y kulang pa rin. Hindi lang pala pagiging isang computer programmer ang gusto ko, nais ko pang maging isang Chef. Sa tuwing nakakapanood ako ng cooking show sa telebisyon, namamangha ako sa galing ng mga kusinero sa kanilang pagluluto. Hindi man ako magaling magluto, pakiramdam ko na kaya kong gawin at iluto ang anumang putahe o pagkain kung gugustuhin ko. Naisip ko na rin ngang pumasok ng Culinary Arts habang wala pa akong ginagawa pero naisip kong baka masayang lang iyon dahil pwede ko naman pag-aralan ang pagluluto gamit ang ilang cooking books at sa turo na rin ng mga nakakaalam.

Kinahiligan ko na ang pagkuha ng litrato sa aking sarili at sa iba, tao man o bagay. Ang pagtingin ng mga sining at iba pang fotografia. At dahil doon gusto ko na rin tuloy maging isang photographer. Bakit hindi? magandang libangan iyon. At kung hilig mo talaga, maganda rin iyon pagkakitaan. All around naman kaming magpipinsan at naisip na rin namin na magtayo ng isang negosyo katulad ng pag-aayos ng mga kaarawan at kasalan. Sa pamamagitan ng aming malikhaing imahinasyon, magagawa namin ang lahat ng maganda at ang mga tao ay matutuwa. Kaya lang hanggang usapan na lang namin iyon. Wala naman nagseseryoso dahil abala rin sa kanya kanya nilang buhay.

Hindi pa doon natatapos ang nais kong gawin. Ang pagkakaroon ng isang banda na naudlot na pangarap ng aking nasirang kapatid. Simula ng nahilig ako sa musika, gusto ko na rin magkaroon ng banda. Kung marunong lang talaga akong tumugtog ng instrumento at sobrang ganda ng boses ay kakaririn ko na iyon. Kaya lang hindi lahat pinagpapalang magkaroon ng talento sa pagtugtog. Pwede pa siguro sa pagkanta ngunit kailangan pang hasain mabuti. Hahayaan ko na lang siguro ang boyfriend ko sa kanyang banda at kapag nagtagumpay, tagumpay ko rin iyon. Hehe…

Pagdedesenyo ng damit, paglikha ng trends at pag-iinterior ay ilan pa sa mga nais kong gawin. Kahit ito’y mukhang malabo sapagkat hindi naman ako magaling sa pagguhit. Masarap kasing makita sa isang magasin ang linikha mo o kaya naman sa isang bahay na natapos mo ng pagandahin. Pero ang sabi nila, kung malikhain ka lang talaga, kahit hindi gaanong marunong gumuhit makakaya rin.

At ang pinaka gusto kong matupad, ay ang maging isang magaling na manunulat. Kahit na alam kong hindi ako magaling sa pagsusulat o wala lang akong tiwala sa aking sarili. Sobra akong humahanga sa mga taong magagaling sumulat. Kahit sa mga blogs at journals ko lamang nababasa ang mga sinulat nila, nakakamangha talaga. Naisip ko tuloy na sana katulad rin nila akong magaling pag dating sa pagsusulat. Hindi ko naman pinangarap na maging isang taga-pamahayag o kaya’y maging isang sikat na manunulat. Masarap lang na may mga taong humahanga sa iyong mga sinusulat.

Marami-rami pa palang mga bagay na gusto kong mangyari sa aking buhay. Sabi nga ng kapatid kong panganay, isang gabi habang kami’y nag-iinuman at naibahagi ko ang mga bagay na iyan, “huwag ka munang mag-aasawa katulad ko dahil kapag nag-asawa ka na hindi mo na magagawa pa ang mga bagay na gusto mo pang gawin. Kaya’t habang bata pa at walang asawa, simulan mo na dahil tiyak na magagawa mo pa ang mga iyan.” Tuloy, ako ay napaisip.

Monday, March 27, 2006

Babala:

Hindi lahat ng taong nakangiti at tumatawa ay masaya.



Ang akala ko magiging maayos na ang lahat. Ang akala ko wala ng problema. Ang akala ko makakayanan namin lahat ng pagsubok na dumarating. Ang akala ko walang susuko. Ang akala ko malakas kami. Ang akala ko magiging masaya kami.

Bakit parang mali ata lahat ng inakala ko?

"Kung hindi tayo, hindi tayo. Pero kung tayo nga, tayo talaga!"

Ayan na lang ba ang pagbabasehan ko. Hindi ko alam kung aasa pa ako. Hindi ko maintindihan kung bakit nangyayari na naman ito. Hindi ko alam kung may pag-asa pa bang maayos ang lahat.

Sana... sana maayos pa. Gusto ko pang umasa kahit napanghihinaan na ako ng loob. Ayokong masayang lang lahat ng pinagsamahan namin, lahat ng sakripisyong nagawa, lahat lahat... Ayokong magsimula ulit na iba na ang makakasama. Ayoko... hindi ko kaya.

Wednesday, March 22, 2006

Magulang talaga! ang kulit.

My parents want my cousins to stay here in Cavite and have a long vacation, maybe a month or two. But they could't stay that long even though they wanted to because they are also needed in Bulacan: to take care of the kids; clean their house; etc...

That's why I asked my parents if we, Dang and I could go to Bulacan instead. But they wouldn't let us unless someone would drive us their 'cause they don't want us commuting all by ourselves. They think it's way too dangerous because that is what they see on the news when they watch TV Patrol on the internet. See what media can do to people!

I couldn't convince them so I said that, perharps kuya Ace could go here and drive for us. Finally they agreed! So I guess no more problem on having a vacation in Bulacan though we couldn't stay there as long as we want. My parents only allowed me 3 to 5 days. Sad.

Well I wish we could still watch the "liga". It has been years since I last went there and watched a game.

Thursday, March 16, 2006

Gulong

Ang buhay nga naman ay katulad ng isang gulong. Kapag umikot at natyempuhan na nasa itaas ka, pakiramdam mo'y masaya at walang humpay na ligaya. Kapag umandar na ang gulong at napunta paibaba, parang pinagsakluban ng langit at lupa. Sa tuluyang pag-ikot nito, maaaring wala ka sa tuktok at wala rin sa ilalim. Tama lang... hindi gaanong masaya at hindi gaanong malungkot.

Hinihintay ko pang muling umandar ang gulong paitas ngunit hindi ko rin masasabing napailaliman na ako. Tama lang. Tama lang...